Appointment kay Vice-President Leni Robredo bilang anti-drug czar, patibong lang- oposisyon
Naniniwala ang oposisyon na patibong lang ng Malacañang ang pagtatalaga kay Vice-President Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal drugs (ICAD).
Ayon kay Senador Francis Pangilinan na siya ring Presidente ng Liberal Party, hindi epektibong stratehiya laban sa nagkalat na illegal drugs umano ang pakay ng pagtatalaga sa Pangalawang Pangulo.
Nais lang umano ng Malacañang na patahimikin at ipitin si Robredo sa ginagawa nitong pagbatikos sa araw-araw na kaso ng patayan sa mga mahihirap na gumagamit ng illegal drugs habang pinalulusot ang mga Ninja cops.
Kuwestyon pa ni Pangilinan, bakit co-chair lang si Robredo na nangangahulugang wala pa rin itong full control sa mga security forces na nagsasagawa ng mga anti-illegal drugs operations.
Malayo aniya ito sa pronouncement ng Pangulo na itatalaga si Robredo bilang Anti-Drug czar.
Ulat ni Meanne Corvera