Pagpapaunlad sa Asin Law ang dapat tutukan ng gobyerno hindi ang pagbubuwis sa mga maaalat na pagkain – Laban Konsyumer
Tutol ang grupong Laban Konsyumer sa planong buwisan ang mga asin at maaalat na pagkain.
Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, kung health issues ang pag-uusapan, hindi na kailangan pa ito dahil sa pagkakaroon na ng Asin Law.
Dito aniya sa nasabing batas, nirerequire ang lahat ng mga food-grade salt ay dapat i-iodize kung kaya’ t mayroong mabibili ngayong mga iodized salt na nakatutulong na madagdagan ang nutrient sa katawan ng isang tao lalu na sa mga bata at matatanda.
Sakop din aniya ng nasabing batas ang lahat ng mga manufactured raw foods na may asin ay kailangang iodized din.
Ganundin ang mga canned products na nirerequire sa mga label kung ano ang measurement ng inilagay na asin.
Aniya ang dapat siyasatin ng pamahalaan ay kung natutupad o nasusunod ba ang mga nakasaad sa Asin law at nakabawas ang batas na ito sa mga nagkakasakit na mga Pilipino dulot ng mga maaalat na pagkain.
“Kung health issues, dapat i-improve na lang ang batas. On the other side of the story baka gusto lang nilang buwisan ang maaalat na pagkain. Kasi pagka-ganyan, ang impact nun ay anti-poor ka na naman. Ang mga maaalat na pagkain hindi naman yan luxurious eh, hindi yan mahal kaya kayang bilhin yan ng mga mahihirap kaya sila na naman ang tatamaan dito”.