Pananatili ng mataas na performance rating ng Duterte administration sa pinakahuling SWS survey patunay na tama ang ginagawa ni Pangulong Duterte – Malakanyang
Ikinalugod ng Malacanang ang resulta ng 3rd quarter Social Weather Stations o SWS survey na nagpapakitang pumalo sa 78% o halos walo sa sampung Pilipino ang kuntento sa performance ng Duterte administration.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nangangahulugan ito na hindi nakikinig ang mayorya ng mga Pilipino sa mga pamumulikta at paninira ng mga taga oposisyon.
Kinikilala ng Office of the President na mataas ang satisfaction rating ng mga Pilipino sa mga usapin ng pagtulong ng gobyerno sa mga mahihirap, pagiging transparent ng gobyerno sa mga transaksyon at pagkakaroon ng klarong mga polisiya.
Ayon kay Panelo ipinapakita rin ng survey na naniniwala ang maraming Pilipino sa pagiging sinsero ng Pangulo sa pagganap sa kanyang tungkulin.
Inihayag ni Panelo, kapansin-pansin na hindi maikukumpara ang taas ng satisfaction rating ni Pangulong Duterte sa mga nakaraang administrasyon.
Niliwanag ni Panelo hindi tumitingin ang Pangulo sa mga numero, at nakapokus lang siya sa pagtupad sa kanyang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya ng taumbayan nang walang hinihinging reward o pagkilala.
Ulat ni Vic Somintac