Pagkukunan ng alternatibong source ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan, pinatututukan ni Pangulong Duterte sa MWSS
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamunuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerege System o MWSS na tutukan ang paghahanap ng alternatibong pagkukunan ng supply ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan kaugnay ng nararanasang water shortage sa Manila Water at Maynilad.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hiniling ni MWSS Chairman Emmanuel Salamat kay DILG Secretary Año sa huling Cabinet meeting na maglabas ng Department Order para sa mga Local Executives upang mapabilis ang pagbibigay ng mga kaukulang permits sa dadaanan ng koneksyon ng tubig na magmumula sa Laguna Lake patungo sa mga water treatment ng Manila Water at Maynilad.
Batay sa plano ng MWSS gagamitin ang Laguna Lake na pagmumulan ng tubig na gagamitin sa Metro Manila at karatig lalawigan maliban sa Angat Dam para maresolba ang water shortage.
Sa ngayon ay patuloy na nagpapatupad ng rotational water interruption sa kanilang mga consumers ang Manila Water at Maynilad dahil sa mababang level ng tubig sa Angat Dam na posibleng tumagal hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.
Ulat ni Vic Somintac