MMDA, magsasagawa ng simulation exercise para sa Seagames…matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko, ibinabala
Inaayos na ng mga awtpridad ang gagawing traffic rerouting sa mga rutang daraanan ng mga convoy ng mga delegado sa gaganaping SEAGAMES sa bansa sa Nobyembre 30.
Sa isang pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago, na ngayong hapon ay magkakaroon ng meeting ang mga stakeholders sa gaganaping SEAGAMES sa PICC para sa isasagawang simulation exercise sa November 14.
Kasabay nito nagbabala na si Pialago sa mga motorista na ihanda ang sarili sa sa posibleng magiging epekto sa daloy ng trapiko ng gagawing simulation exercise.
Inaasahan kasi anya na tataas pa ng 20-porsyento ang volume ng mga sasakyan sa kalsada ng Metro Manila.
Ayon kay Pialago, nais din nilang makita ng publiko ang tunay na scenario na posibleng maranasan ng mga motorista sa panahon ng SEAGAMES kung saan inaasahan ang pagdating sa bansa ng libo-libong delegado ng naturang palaro.
Magpapatupad anya sila ng Stop and Go sa pagdaan ng mga convoy ng mga delegado patungong Philippine Arena sa Bulacan at iba pang venue o mga hotel na tutuluyan ng mga delegado..
Sa Nov 26, isasagawa anya ang dryrun para sa opening ceremony ng SEAGAMES sa Philippine Arena.
Inirekomenda na rin anya nila ang kanselasyon ng klase sa pitong eskwelahan na nasa rutang daraanan ng SEAGAMES delegates.
Kasama rin sa inirerekumenda ng MMDA ang pagbabawal muna sa mga malls na magpatupad ng Weekend sale na matatapat sa opening ng SEAGAMES sa November 30.
Ulat ni Madz Moratillo