Martial Law sa Mindanao posibleng hindi na palawigin
Irerekomenda na ng militar na limitahan na lamang sa ilang lugar sa Mindanao ang umiiral na Martial Law.
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP)Chief of Staff General Noel Clement matapos itong sumalang sa confirmation hearing kanina ng Commission on Appointments.
Ayon kay Clement, bumuti na ang sitwasyon ng seguridad sa mga lalawigan sa Mindanao kaya maaari nang alisin ang ipinatutupad na Martial Law.
Nauna nang sinabi ni Defense secretary Delfin Lorenzana na hinihintay lamang nila ang assessment ng Sandatahang Lakas bago magdesisyon kung babawiin o hihirit pa ng Martial Law extension.
Unang ipinatupad ang Martial Law sa Mindanao noong May 2017 matapos atakihin ng mga teroristang Maute ang Marawi city.
Mag-eeexpire ito sa December 31 ngayong taon matapos ang tatlong beses na extension.
Samantala, inaprubahan na ng CA ang Ad Interim appointment ni Clement bilang Chief of Staff ng AFP.
Si Clement ay magsisilbing pinuno ng Sandatahang Lakas hanggang sa Enero ng 2020.
Bago naging Chief of Staff, si Clement ay dating pinuno ng Central Visayas command ng AFP.
Bukod kay Clement, inaprubahan rin ng CA ang promotion ni Vice-Admiral Allan Ferdinand Cusi.
Si Cusi ang kasalukuyang Superintendent ng Philippine Military Academy (PMA).
Ulat ni Meanne Corvera