Korte Suprema kinumpirmang may natatanggap na death threats si Retired Chief Justice Lucas Bersamin; DOJ handang bigyang seguridad at paimbestigahan ang mga pagbabanta
Kinumpirma ng Supreme Court na may natatanggap na pagbabanta sa buhay si Retired Chief Justice Lucas Bersamin.
Batay sa Police blotter ng Quezon City Police District- CIDG, habang pauwi si Bersamin noong linggo lulan ng kanyang sasakyan, napansin ng kanyang mga bodyguards na may dalawang lalaking naka-motorsiklo na sumusunod sa kanila sa kahabaan ng Quezon Avenue.
Nakatanggap din si Bersamin ng dalawang tawag sa telepono kung saan pinagbantaan din ito ilang araw matapos siyang magretiro.
Ayon kay Supreme Court Public Information Office Chief Atty. Brian Keith Hosaka, nalaman niya ang nangyari nang makausap niya si Bersamin bago ang conferment ceremony dito ng University of the East.
Tiniyak naman ni Hosaka na pinagkakalooban ng Korte Suprema ng
ng security personnel ang dating Punong Mahistrado.
Sinabi pa ni Hosaka na mula sa pamilya ng mga politiko ang Retired Chief Justice kaya sanay na ito sa mga nasabing insidente at alam kung ano ang gagawin.
Kaugnay nito, handa naman ang DOJ na bigyan ng seguridad si Bersamin sa pamamagitan ng NBI kung nais nito.
Inihayag pa ni Justice secretary Menardo Guevarra na pwede rin niyang paimbestigahan sa NBI kung saan nagmumula ang mga death threats kung gusto ng dating Chief Justice.
Ulat ni Moira Encina