Pagbuwag sa Pasig River Rehabilitation Commission opisyal nang iniutos ni Pangulong Duterte
Iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuwag sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC).
Batay sa Executive order number 93 ililipat ang mga tungkulin ng PRRC sa ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Manila Bay Task Force, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Human Settlements and Urban Development (HSUD) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Inaatasan ang Manila Bay task force na pangunahan ang kabuuang implementasyon ng Pasig River Rehabilitation Master Plan upang magamit ang potensyal nito para sa transportasyon, recreation at maging sa turismo.
Pinatitiyak naman sa DENR na naipatutupad ang ibat ibang environmental laws upang maibalik ang dating ganda at kalinisan ng ilog Pasig.
Samantala sa Human Settlements and Urban Development ini-atas ang relocation ng mga informal settlers sa paligid ng Pasig River banks habang sa DPWH naman pinatitiyak na mai-aalis ang mga istruktura at obstructions sa paligid ng ilog.
Una nang sinabi ng Pangulo na dapat nang buwagin ang PRRC at gamitin na lamang ang pondo nito upang ipambili ng mga gamot at pagkain para sa mga Filipino.
Ulat ni Vic Somintac