Anim na panibagong Dengvaxia cases inihain ng PAO sa DOJ
Nadagdagan pa ang bilang ng kasong may kaugnayan sa Dengvaxia na inihain sa Department of Justice (DOJ).
Ito ay matapos maghain ng anim na panibagong kaso ang Public Attorney’s Office at ang mga magulang ng mga biktima sa DOJ.
Dahil dito, umaabot na sa 55 kaso ng Dengvaxia ang naihahain sa DOJ.
Ang mga bagong kaso ay parte na ng ikalimang batch ng Dengvaxia cases.
Pangunahin sa kinasuhan ay si dating Health Secretary Janette Garin.
Mga reklamong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at mga paglabag sa Anti- Torture Law, at Consumer Protection Act ang isinampa sa mga respondents.
Ayon kay PAO Forensics Chief Dr. Erwin Erfe, ang kaso ay nag-ugat sa pagkamatay ng anim na batang naturukan ng anti-dengue vaccine.
Bukod anya sa nakaranas ng severe dengue ang anim ay nakitaan din ang mga ito ng multiple organ failure at pamamaga at pagdurugo ng utak batay sa isinagawang otopsiya ng pao.
Samantala, kabuuang 148 biktima ng Dengvaxia ang naotopsiya ng PAO.
Sinabi ni PAO Chief Persida Acosta na nakatakda silang maghain ng mga karagdagang reklamo sa DOJ sa mga susunod na araw.
Ulat ni Moira Encina