Senado, naglaan ng 20 milyong pisong pondo para bumili ng mga breath analyzers
Naglaan na ang Senado ng mahigit 20 million pesos para sa pagbili ng mga breath analyzers sa 2020 Proposed National Budget.
Ayon kay Senador Grace Poe, hanggang ngayon kasi tali ang kamay ng mga Traffic Enforcers na mahuli ang mga drunk drivers dahil sa kakulangan ng sapat na equipment.
Paliwanag ng Senador kung may maaksidenteng mga driver dahil sa kalasingan, hindi maaring gamiting batayan sa korte ang statement ng mga Traffic enforcers na nakainom o lasing ang isang driver.
Iginiit ng Senador na mahalaga ang mga ganitong equipment para maisulong ang kaso laban sa mga drunk drivers na madalas nagiging dahilan ng mga aksidente sa mga lansangan.
Batay na rin ito sa itinatakda ng Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Nakasaad sa batas na dapat may sapat na equipment ang Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP) na magagamit ng mga Law Enforcers at kanilang mga deputized Local Traffic Enforcers tulad ng MMDA sa panghuhuli ng mga lasing na nagmamaneho.
Ulat ni Meanne Corvera