Panukalang magtayo ng hiwalay na pasilidad sa mga nahatulan sa Heinous crimes, aprubado na sa Senado
Lusot na sa Senado ang panukalang magtatag ng hiwalay na bilangguan sa mga presong nahatulan sa heinous crime.
Dalawampu’t isang Senador ang pumabor sa panukala, habang walang tumutol nang isalang ito sa plenaryo.
Sa Senate bill 1055, magtatayo ang gobyerno ng Maximum Penal Institution sa isang lokasyon na tutukuyin ng kalihim ng DOJ.
Iminungkahing ipatayo ito sa loob ng isang military facility o sa isang hiwalay na isla upang matiyak na wala silang magiging komunikasyon sa labas ng Penal institution.
Ang itatayong pasilidad ay lalagyan ng mga state of the art equipment para matiyak ang seguridad doon – gaya na lamang ng mga surveillance camera at high-tech na mga lock at pintuan.
Pananatilihin rin itong malinis at maaayos para sa mga preso.
Sakop ng panukala ang mga high level heinous crime convicts na nasa loob ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sina senate president Vicente Sotto III, Majority leader Juan Miguel Zubiri, Senador Richard Gordon at Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang mga pangunahing may-akda ng panukalang batas na ito.
Ulat ni Meanne Corvera