Pilipinas, posibleng mawala na sa listahan ng Most Dangerous countries para sa mga mamamahayag kung makakakuha ng paborableng desisyon sa Maguindanao massacre
Positibo si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na maaalis na ang Pilipinas sa listahan ng Most Dangerous Countries para sa mga mamamahayag kung makakakuha ng paborableng desisyon sa Maguinadanao massacre.
Matatandaan na 32 mamamahayag ang nasawi sa Maguindanao massacre na naganap noong Nobyembre 23, 2009.
Ayon kay Andanar, ang Maguindanao massacre ang pinakamadugong karahasan na nangyari sa hanay ng mga mamamahayag kung saan 32 ang namatay sa loob lang ng isang araw.
Batay sa listahan ng New York based media watchdog na Committee to Protect Journalists (CPJ), pang lima ang Pilipinas sa pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag.
Maliban sa Pilipinas nasa nasabing listahan rin ang Somalia, Syria, Iraq, at Mexico.
Tiniyak naman ni Andanar na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para matiyak ang seguridad ng mga mamamahayag sa bansa at hindi na maulit ang mga ganitong uri ng karahasan.
Samantala..ang National Press Club ay nakaantabay na rin sa magiging desisyon ni Quezon City Judge Jocelyn Solis Reyes.
Kaugnay nyan ay naglagay din sila ng malaking banner sa harapan ng kanilang gusali sa Intramuros, Maynila na nananawagan ng hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Ulat ni Madz Moratillo