Kumpanyang Grab, pinaiimbestigahan na sa Senado
Pinaiimbestigahan na ni Senador Imee Marcos sa Senado ang kumpanyang Grab.
Sa kaniyang resolusyon, hiniling ni Marcos sa Senado na maipatawag sa susunod na taon ang mga opisyal ng grab dahil sa pananamantala sa publiko.
Bunsod ito ng pagpapataw ng mas mataas na singil sa pamasahe lalo na ngayong Disyembre.
Senador Imee Marcos:
“Nagfile ako reso tungkol sa grab kasi nakakapikon na palibhasa ba pasko na sinasamantala na, kahit i-share mo napakataas, ano bang klaseng serbisyo yan, nabalitaan ko pati LTFRB naalarma because in effect Grab is a monopoly of the ride hailing system, maraming nabigyan ng lisensya pero wala naman nag ooperate. solong solo ng grab ang buong christmas season eh wag naman nila samantalahin. napakasama naman ng ganun”.
Hindi aniya tama ang ginagawang pananamantala ng Grab sa mga pasahero at dapat lang silang papanagutin ng gobyerno.
Nauna nang inireklamo ni Marcos ang Grab dahil sa doble dobleng singil sa pasahero gayong nagbigay ito ng assurance na lilimitahan sa 22.5 percent ang singil sa pamasahe.
Nagpakita pa si Marcos ng screenshot ng biyaheng isang kilometro ng Grab taxi o grab car na dati ay sinisingil ng wala pang 100 pero pumalo na ngayon sa 245 pesos hanggang 346 pesos.
Nauna nang pinagmulta ng Philippine Competition Commission ang Grab na umaabot sa 16.15 million dahil sa hindi pagtupad sa commitment nito sa gobyerno mula May hanggang August.
Isang buwan pa lang ang nakalipas nang iutos rin ng PCC na ibalik ng Grab sa kanilang mga customer ang p23.5 milyong pisong sobrang singil nito sa pasahe.
Kasabay nito, isinusulong ni Marcos ang Senate Bill 409 na humihiling na payagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang permanenteng operasyon ng Angkas.
Ito’y bilang alternatibong Public Transportation dahil sa matinding traffic at kakulangan ng mga public utility vehicle.
Iginiit ni Marcos na hindi maaring asahan ang operasyon ng Grab dahil sa pananamantala sa mga customers nito.
Sinabi ni Marcos na bukod sa mapapabilis ang byahe ng mga pasahero sa Angkas, mababawasan pa ang mataas na unemployment rate dahil mahigit apat na libo sa may 15,000 na mga Angkas drivers ang hindi nakapag-aral sa kolehiyo at wala talagang permanenteng trabaho.
Sa ngayon ay pansamantala lang ang biyahe ng mga Angkas drivers habang inoobserbahan ito ng DOTR.
Ulat ni Meanne Corvera