Pangulong Duterte nakamonitor sa sitwasyon ng bulkang Taal at sa mga aksyong ginagawa ng mga kaukulang ahensya ng Gobyerno
Narito na sa Metro Manila si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa larawang ipinadala ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa Malakanyang media, makikita ang pagsilip ni Pangulong Duterte sa bintana ng sinakyang eroplano at tinitingnan ang paligid.
Ayon kay Senador Go sila ang unang eroplano na lumanding dito sa Manila kaninang umaga.
May nakatakdang aktibidad mamayang alas kwatro ng hapon si Pangulong Duterte sa Fort Bonifacio Taguig city at sa abiso ng palasyo, sa ngayon ay wala namang kanselasyon.
Bibisita ang Pangulo sa Philippine Marine Corps sa Fort Bonifacio para magkaloob ng awards at mga baril sa ilang kagawad ng Philippine Marines.
Samantala ang nakatakdang pagtungo Pangulo bukas sa San Isidro Leyte ay kinansela na ng Malakanyang dahil sa patuloy pa ring pagbagsak ng abo ng bulkang Taal.
Mamimigay sana ang Pangulo bukas ng mga benepisyo sa mga dating rebeldeng nagbalik loob na sa gobyerno.
May nauna nang pahayag si Presidential spokesman Atty. Salvador Panelo na kagabi pa sana gustong bumalik dito sa Metro Manila ng Pangulo subalit hindi nakalipad ang eroplano nito dahil zero visibility.
Ulat ni Vic Somintac