Alert level 4, nananatiling nakataas sa Taal Volcano, bilang ng mga evacuees umabot na sa mahigit 15,000- NDRRMC
Nananatiling nakataas ang Alert Level 4 sa Taal Volcano dahil sa patuloy na pagbuga ng abo at gaas ng bulkan.
Sa panayam ng Radyo Agila kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, umaabot na sa 15,000 ang bilang ng mga evacuees na nananatili sa iba’t-ibang evacuation centers sa Batangas.
Kinailangan namang ilipat ang nasa 2,594 evacuees mula sa mga bayan ng Talisay at Laurel sa evacuation site sa Tagaytay city dahil sa tindi ng bagsak ng ashfall sa pinanggalingan nilang evacuation area.
Batay aniya sa report na kanilang natanggap, nasa 10 munisipalidad at lunsod sa Batangas ang patuloy pa ring inililikas.
Ang Volcano Island sa ngayon ay tuluyan nang nailikas ang mga residente kasama na ang Fishing community sa Taal.
Wala pa naman aniya silang natatanggap na nadisgrasya o nasugatan sa pagputok ng Bulkan.
Pinayuhan naman ni Timbal ang publiko na manatili muna sa loob ng kanilang mga tahanan kung wala namang importanteng pupuntahan liban na lamang kung mayroong mga evacuation announcements.
NDRRMC Spokesperson Mark Timbal:
“Paulit-ulit nating pinapayuhan ang ating mga kababayan kung hindi naman ganung ka-importante ay huwag munang lumabas ng bahay, huwag munang magbiyahe unless may evacuation order. Kapag nasa biyahe ay siguraduhing naka-on ang head lights, huwag masyadong mabilis ang pagpapatakbo natin, dapat maging observant sa mga traffic signs. Maging listo rin tayo kung mayroong mga sasakyan na maa-out of control ay makaiwas kaagad tayo”.