Mga tagilid na kontratang pinasok ng gobyerno, iisa-isang bubusisiin ng Malakanyang
Uumpisahan ng busisiin ng Malakanyang ang mga hinihinalang tagilid na kontrata na pinasok ng gobyerno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na isasailalim na sa pagrepaso ang kontratang pinasok ng University of the Philippines o UP at Ayala Techno Hub.
Ayon kay Panelo mula sa kontrata ng gobyerno sa Manila Water, Maynilad at UP Techno Hub na pawang nakitaan ng onerous provisions ang kontrata na ikinalulugi ng pamahalaan.
Inihayag ni Panelo mismong Department of Finance ang nagsabi kay Pangulong Rodrigo Duterte na tagilid din ang kontrata ng gobyerno sa Chevron Philippines at National Development Corporation.
Niliwanag ni Panelo na hindi palulusutin ng Pangulo ang mga kontratang pinasok ng gobyerno na may mga onerous provisions na nagiging daan para maghirap ang taongbayan at kumita ng labis-labis ang mga mapagsamantalang negosyante kasama ang mga kasabwat na tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Ulat ni Vic Somintac