WHO hindi pa magrerekomenda ng travel restriction kaugnay ng 2019 Novel Coronavirus
Hindi pa inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang anumang travel restrictions sa gitna na rin ng usapin sa 2019 Novel Coronovirus.
Ayon kay Rabindra Abeyasinghe, kinatawan ng WHO sa bansa, sa ngayon ay hindi pa ikinukunsidera ng WHO ang pagsusulong ng travel restrictions o travel ban.
Ito ay tugon na rin sa tanong ng marami kung bahagi ba ng precautionary measures ng pamahalaan laban sa Coronovirus ang posibleng travel ban, para hindi na makapasok sa bansa ang sakit.
Pero base sa kasaluyang hawak na impormasyon ng WHO, sinabi ni Abeyasinghe na hindi pa opsyon na ang travel ban o restriction.
Paliwanag ng opisyal, kailangan munang matukoy at matiyak kung ang bagong strain ng Coronavirus ay “severe infection” na magdudulot ng pagkamatay ng marami.
Ang WHO, Department of Health at Bureau of Quarantine, katuwang ang mga airline at airport authorities ay tinitiyak ang mahigpit na pagbabantay para masigurong masusuri ang mga dumadating na pasahero sa bansa lalo na kung galing ito sa Wuhan, China.
Muli namang paalala ni Abeyasinghe sa publiko, huwag magpanic dahil wala pa namang resulta ang ginagawang imbestigasyon ukol sa 2019 Novel Coronavirus.
Ulat ni Madelyn Moratillo