Quo Warranto Petition, inihain ng Office of the Solicitor General laban sa ABS-CBN
Pormal nang naghain ng petisyon ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema para ipawalang- bisa ang prangkisa ng ABS-CBN at ng subsidiary nito na ABS-CBN Convergence, Inc.
Ito ay sa pamamagitan ng Quo Warranto Petition na isinampa ni Solicitor General Jose Calida.
Ayon kay Calida, nais nilang tuldukan ang nadiskubre nilang “highly abusive practices” ng ABS-CBN na ilang taon hindi naaksyunan at ipinagwalang bahala.
Isiniwalat ng OSG na pinayagan ng ABS-CBN ang mga dayuhang investors na magkaroon ng ownership sa isang Philippine mass media na paglabag sa Saligang Batas.
Gaya anya ng Rappler, nag-isyu rin ang ABS-CBN ng Philippine Deposit Receipts o PDR sa pamamagitan ng ABS-CBN Holdings Corporation sa mga banyaga.
Alinsunod aniya sa Section 11, Article XVI ng Konstitusyon na limitado lamang ang ownership at management ng mass media sa Pilipinas sa mga Filipino.
Sinabi pa ni Calida na inabuso rin ng media network ang pribilehiyo na iginawad dito ng estado nang ilunsad at i-operate nito ang mga pay-per-view channel nito na ABS-CBN TV plus at KBO channel nang walang permiso mula sa National Telecommunications Commission.
Samantala, ibinunyag pa ng OSG na inilipat ng ABS-CBN convergence ang prangkisa nito nang walang pag-apruba ng Kongreso.
Ulat ni Moira Encina