Taiwanese national na biktima ng sexual abuse at trafficking ng Pogo, iniharap ni Senador Risa Hontiveros
Iniharap ni Senador Risa Hontiveros sa media ang isang Taiwanese national na nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos mabiktima ng trafficking at sexual abuse sa isang Pogo company.
sa salaysay ni Lai Yu Cian, 23 anyos, October 2019 nang dumating siya sa Pilipinas para magtrabaho sa isang Advertising company.
Na-recruit umano siya sa pamamagitan ng online pero pagkalipas ng isang buwan, dinala siya sa isang Pogo company na pagmamay-ari ng mga Chinese sa Circuit Corporate tower sa Makati.
Madalas aniya siyang hinihipuan ng kaniyang mga boss kaya minabuti niyang magresign pero kinuha ang kaniyang pasaporte.
Pinagbantaan umano siya ng mga Chinese national na huwag magsusumbong sa mgt otoridad dahil protektado umano sila ng isang Michael Yang.
Natakot umano siya dahil wala siyang working visa at nag-expire na rin ang kaniyang 30-days tourist visa.
Nakatakas lamang siya matapos humingi ng tulong sa isang Pinoy na siya namang nakipag-coordinate sa NBI.
Sabi ni Lai Yu Cian, pinili niyang humarap sa publiko para malaman ng Taiwanese embassy ang nangyari sa kaniya at matulungang makabalik sa kaniyang bansa.
Ayon kay Hontiveros, isa lamang ito sa mga katunayang matindi ang nangyayaring sexual abuse at Human Trafficking sa mga Pogo.
Ulat ni Meanne Corvera