Education secretary Leonor Briones, pumalag sa report na 70,000 ang mga Elementary pupils ang hindi marunong magbasa sa Bicol region
Iginiit ni Education Secretary Leonor Briones na “exaggerated” at mali ang lumabas na report na nagsasabing 70,000 ng mga batang mag-aaaral sa Bicol region ay hindi marunong magbasa ng English at Filipino.
Sa Laging Handa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Briones na hindi nangangahulugang “no read, no write” o “illiterate” ang mga mag-aaral na sumailalim sa pag-aaral ng Bureau of Elementary Education.
Ayon kay Briones, ang mga sinasabing “non-readers” lalo na ang mga Grade 1 at Grade 2 ay posibleng nakakabasa pero hindi nauunawaan ang binabasa.
Inihayag ni Briones na lumobo rin umano ang bilang dahil pinagsama ang mga “non-readers” sa English at Filipino.
Iginiit ni Briones na maituturing umanong insulto sa mga Bicolano ang report lalo na at may isang paaralan umano doon na mataas ang nakuhang rating.
“Kaya madaling i-interpret na iyong 70,000 ay illiterate na mga Bikolano. Palagay ko, insulto naman iyon sa mga Bikolano dahil one of their schools, iyong Partido States University ano nila, eh ang taas ng rating eh. So iyon, gusto ko lang i-clarify iyan. At saka iyong paggamit ng … iyong precision in the use of the word “do not know how to read,” hindi ibig sabihing no read, no write; kasi may mga kategorya iyan eh – Nakakabasa pero hindi lubos na nakakaintindi. So iba’t ibang level iyan. At saka iyong number siguro na 70,000, medyo exaggerated iyan dahil hinalo iyong nahihirapan sa Filipino, nahihirapan sa English tapos umabot sa 70,000 kung saan iyon nanggagaling. So maging maingat lang tayo siguro sa ating pag-interpret nitong mga numero – not only numero, but words themselves. Not knowing how to read is different from being illiterate”. – DepEd Sec. Leonor Briones
Ulat ni Vic Somintac