DOJ Action center itatayo sa Cagayan de Oro city
Plano ng Department of Justice (DOJ) na magtayo ng karagdagang action centers sa bansa.
Layon ng DOJ Action center o DOJAC na magbigay ng libreng legal counselling o consultation para sa mga mahihirap na kliyente.
Ayon kay Justice Undersecretary at Spokesperson Markk Perete, nakatakda nang itayo ang DOJAC sa Cagayan de Oro city.
Ito ang magiging unang DOJAC sa labas ng main office sa Padre Faura, Maynila.
Naghahanap na rin anya ang DOJ ng lugar sa Visayas para pagtayuan ng Action center.
Sinabi pa ni Perete na balak din ng DOJ na magtatag ng isa pang action center sa Luzon partikular sa Ilocos.
Bagamat halos dalawang dekada na ang DOJAC, ngayon lang ito mageexpand sa ibang lugar dahil sa kawalan anya ng available space at pondo para sa mga abogado na itatalaga sa mga action centers.
Balak din ng DOJ na magkaroon ng free online legal advice sa website ng kagawaran pero wala pang approval ng Department of Budget and Management (DBM) ang budget para sa mga kukuning abogado at walang makuhang abogado na willing 24/7 na sumagot sa mga katanungan ng mga kliyente.
Ulat ni Moira Encina