Guidelines sa Covid-19 expanded testing inilatag na ng IATF
Isa-isa nang inilatag ng Inter Agency Task Force on infectious diseases o IATF ang guidelines para sa Covid-19 Expanded Testing.
Ayon kay IATF Spokesman Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles saklaw ng Covid 19 expanded testing ang lahat ng indibidwal na malaki ang posibilidad na nahawa sa Covid-19.
Kasama na ang suspected cases, mga tao na galing biyahe o may nakasalamuha na taong may Covid-19, may sintomas man o wala; o mga health workers na may posibleng exposure sa taong may Covid-19, may simtomas man o wala.
Sinabi ni Nograles kabilang sa mga grupo ng indibidwal na naka-prioritize sa pag-test ang mga pasyente o healthcare workers na may severe o critical na sintomas, at may kasaysayan ng biyahe o kontak sa kumpirmadong kaso ng Covid-19; mga pasyente o healthcare workers na may mild na sintomas, galing sa biyahe o nagkakontak sa kumpirmadong Covid-19 na kaso, at kinokonsiderang vulnerable; ang mga pasyente o healthcare workers na may mild na sintomas, galing sa biyahe o nagkakontak sa kumpirmadong kaso ng Covid-19; at mga pasyente o healthcare workers na walang sintomas pero may kasaysayan ng byahe o kontak sa kumpirmadong kaso ng Covid-19.
Inihayag ni Nograles lahat ng subnational laboratories ay inaatasan na ibahagi ang 20% hanggang 30% ng kanilang daily testing capacity para sa mga health workers, at ang natitirang 70%-80% para sa mga pasyente.
Idinagdag ni Nograles na batay sa ebidensya, ang RT-PCR testing na aprubado ng FDA at RITM ang siyang confirmatory test.
Ang mga rapid antibody-based test kits ay hindi gagamitin mag-isa para makumpirma ang Covid-19. Binigyang diin ni Nograles ang mga lisensyadong doktor lamang ang pinapayagang mag-request at gumamit ng antibody-based tests.
Ulat ni Vic Somintac