Sesyon sa Senado itutuloy sa May 4 kahit pinalawig ang ECQ
Tuloy ang pagbubukas ng sesyon ng Senado sa May 4 kahit pa pinalawig hanggang may 15 ang Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, kailangan nilang mag-convene at kailangan nilang sumunod sa itinatakda ng legislative calendar.
Marami rin aniyang naka-pending na panukalang batas na kailangan nang talakayin ng Senado.
Kasama sa kanilang agenda ang paghahanap ng karagdagang pondo para labanan ang Covid-19.
Pero aminado si Sotto na hanggang ngayon walang request ang Malacañang para sa anumang supplemental budget.
Sinabi ni Sotto na sa sesyon na pag-uusapan rin ang kanilang magiging set-up sa plenaryo.
Pero pagtiyak ng Senador, paiiralin nila ang social distancing at iba pang protocols na itinatakda ng Department of Health (DOH) para hindi malagay sa balag ng alanganin lalo na ang mga empleadong papayagang pumasok sa kanilang trabaho.
Ulat ni Meanne Corvera