Chinese national na nahuling nagbebenta ng sinasabing gamot sa Covid 19, arestado ng NBI sa Binondo, Maynila
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national sa Binondo, Maynila dahil sa pagbebenta ng sinasabing gamot sa Covid-19.
Kinilala ang dayuhan na si Shi Jianchuan na natimbog ng mga tauhan ng NBI-Anti Organized and Transnational Crime division sa isang entrapment operation.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang NBI ukol sa mga grupo ng Chinese nationals na nagbebenta ng mga capsules na pinapakilalang lunas sa covid 19 sa pamamagitan ng social media app na “we chat.”
Umorder ang mga undercover agents ng NBI ng anim na boxes ng nasabing gamot na nagkakahalaga ng 240,000 pesos sa pamamagitan ng we chat.
Naglalaman ang isang kahon ng 400 packs na mayroong 24 capsules kada pakete.
Katuwang ang Food and Drugs Administration (FDA), nagtungo ang NBI agents sa target area kung saan inunload ng suspek ang dalawang kahon ng gamot.
Umorder pa ng dagdag na apat na box ang NBI mula sa suspek.
Pagkaabot ng bayad na kabuuang 400,000 pesos ay inaresto na ng NBI ang suspek.
Nakumpiska mula sa Chinese ang kabuuang 34 boxes ng gamot na tinatayang nagkakahalaga ng 1.36 million pesos.
Batay sa sertipikasyon ng FDA, walang license to operate si Shi Jianchuan at hindi rehistrado ang mga kapsula.
Isinalang na sa inquest ang suspek sa Manila Prosecutors office kung saan sinampahan ito mga reklamong paglabag sa FDA act at Bayanihan to heal as One act.
Ulat i Moira Encina