Nagbitiw na Philhealth official na nagsiwalat ng Mafia sa ahensya, sasampahan ng libel case
Sasampahan ng kasong libelo ng mga Executive ng Philhealth ang dating Anti-fraud officer ng ahensiya na si Atty. Thorrsson Montes Keith.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Keith kaugnay ng umano’y Mafia na kinabibilangan ng mga matataas na opisyal ng Philhealth na sangkot sa katiwalian sa P15-Bilyon pondo ng ahensiya.
Ayon kay Philhealth Senior Vice President on Legal Sector Rodolfo Del Rosario, ilang miyembro ng kanilang Executive Committee ang magsasampa ng kaso laban kay Keith sa kanilang personal na kapasidad.
Sinabi ni Del Rosario, marami silang nakitang kasinungalingan sa mga sinabi ni Keith.
Kabilang aniya rito ang akusasyong ibinulsa ng Execom members ng Philhealth ang nasa P15-Bilyon pondo na mapabubulaanan naman sa pamamagitan ng mga ipinalabas na resibo sa interim reimbursement mechanism.
Iiginiit pa ni Del Rosario, hindi maaaring i-invoke ni Keith ang Legislative Immunity sa isasampang kaso dahil binanggit nito ang kaniyang mga kasinungalingan sa media.