Pangulong Duterte, nagbabala na pananagutin ang mga sangkot sa anomalya sa Philhealth
Pananagutin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nagsamantala sa pondo ng Philippine Insurance Health Corporation ( Philhealth ).
Sa kaniyang Address to the Nation, sinabi ng Pangulo na kung nakalusot man ang mga nagsamantala sa pera ng Philhealth sa mga nakaraang presidente, pero sa ngayon ay hindi niya palalagpasin ang mga ito.
Ayon sa Pangulo, parurusahan niya sa ilalim ng batas ang lahat ng taong sangkot sa katiwalian sa Philhealth.
Una nang inatasan ng Punong Ehekutibo ang Department of Justice ( DOJ ) na bumuo ng Task Force kung saan miyembro ang Civil Service Commission ( CSC ), Commission on Audit ( COA ), Office of the Ombudsman at Presidential Anti Corruption Commission ( PACC ) para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa nabulgar na multi- bilyong pisong anomalya sa Philhealth.