Bilang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration na nagpositibo sa Covid-19, umabot na sa 46
Umabot na sa 46 na empleyado ng Bureau of Immigration ang nagpositibo sa Covid-19.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sa nasabing bilang 37 pa ang nanatili sa mga quarantine facilities.
Habang 9 naman ay nakarekober na sa sakit.
Isang empleyado naman ng BI ang naka-confine sa ospital at nagpapagaling na rin.
Sinabi ni Morente na kalahati sa mga empleyado nito na nagpositibo sa Covid-19 ay nakatalaga sa kanilang main office sa Intramuros, Maynila.
Habang ang iba naman ay nakatalaga sa mga paliparan sa Pasay City at Cebu at sa mga satellite at extension offices nito sa Metro Manila at sa iba pang lalawigan.
Sa ngayon, mayroon pang 93 suspected Covid-19 cases ang BI pero kalahati sa mga ito ay nabigyan naman na ng clearance matapos mag-negatibo sa pagsusuri at pinayuhan na mag-home quarantine na muna.
Aminado naman si Morente na malaki talaga ang posibilidad na mahawa ng Covid-19 ang kanilang mga tauhan pagkat kabilang sila sa mga frontline services ng gobyerno lalo na sa panahong ito ng patuloy pa ang banta ng virus.
Ulat ni Madz Moratillo
Please follow and like us: