Mga tricycle sa Gen. Trias City, Cavite, pinayagan nang makabiyahe simula ngayong araw
Maaari nang makabiyahe ang mga tricycle sa General Trias city, Cavite.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 19 series of 2020 na pirmado ni Mayor Ony Ferrer, simula ngayong araw, August 12, makapapasada na ang mga tricycle sa lungsod subalit kinakailangang sumunod sa mga health protocol na ipinatutupad ng IATF.
Kabilang sa nilalaman ng EO ay ang mga sumusunod:
1. Isang pasahero lamang ang dapat isakay;
2. Kailangang ang isasakay na pasahero ay Authorized Person Outside Residence (APOR) at kailangang may Quarantine pass at Valid ID;
3. Ipinagbabawal sa mga tricycle na bumiyahe sa mga National road;
4. Kailangang sumunod din sa minimum health standard ang tricycle driver gaya ng pagsusuot ng facemask at faceshield at social
distancing at kailangang i-disinfect ang loob at labas ng kanilang tricycle bago at pagkatapos magsakay ng pasahero.
5. Ipatutupad din ang odd-even coding scheme sa mga tricycle batay sa body number ng kani-kanilang tricycle units.
Samantala, nananatili pa ring suspendido ang operasyon ng iba pang mga pampublikong transportasyon sa buong lalawigan ng Cavite dahil na rin sa umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine.
Ulat ni Jet Hilario
Please follow and like us: