Sputnik V Anti Covid-19 vaccine ng Russia, sa May 2021 pa magagamit sa Pilipinas – Malakanyang

Malabo pang magamit sa December ng taong kasalukuyan ang Sputnik V Anti-Covid 19 vaccine na naimbento ng Russia.

Ito ang inihayag ni Presidential spokesman Secretary Harry Roque sa kanyang regular virtual press briefing.

Sinabi ni Roque na nagkaroon na ng pakikipagpulong ang Department of Science and Technology (DOST), Department of Health (DOH) at Food and Drugs Administration (FDA) sa kanilang counterpart sa Russia.

Ayon kay Roque, kinakailangan na dumaan pa sa Phase 3 clinical trial ang nasabing vaccine ng Russia para matukoy kung ito ay ligtas at walang side effect sa mga babakunahan.

Inihayag ni Roque tinataya ng mga eksperto sa bansa na posibleng sa Mayo pa ng susunod na taon maaaring magamit ang Russian made Anti-Covid 19 vaccine.

Magugunitang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na sa December ay babalik na sa dating normal ang buhay sa ating bansa dahil sa naimbentong anti-covid vaccine ng Russia.

Nagpahayag pa ng kahandaan ang Pangulo na unang sasalang sa bakuna ng Russia.

Idinagdag ni Roque na maaari pa ring magkaroon ng Anti-covid 19 vaccine bago ang buwan ng December dahil inaapura na rin ng bansang China, Amerika at mga bansa sa Europa ang kanilang anti covid-19 vaccine na nasa third phase o final clinical trial.

 

Ulat ni Vic Somintac

 

 

Please follow and like us: