Secretary Francisco Duque, pagpapaliwanagin ng Senado dahil sa pananahimik sa katiwalian sa Philhealth
Gigisahin ng mga Senador sa Martes si Health secretary Francisco Duque III hinggil sa pananahimik nito sa isyu ng mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, kataka-taka ang pananahimik ni Duque samantalang isa ito sa mga opisyal na dapat agad umaksyon nang pumutok ang isyu lalo na ang ginawang advance payment sa mga ospital sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism.
Bilang miyembro ng board ng Philhealth Command Responsibility ng kalihim na imbestigahan ang mga idinadawit na opisyal maliban na lamang kung dawit ito sa katiwalian.
Paulit ulit na aniyang nadadawit sa mga anomalya ang kalihim at dapat lang itong magpaliwanag.
Tinukoy ng Senador ang pagkakadawit ni Duque sa Philhealth cards distribution noong 2001 hanggang 2005 na nagkakahalaga ng 490 million batay sa report ng Commission on Audit.
Si Duque ang nakaupo noon bilang Presidente ng Philhealth.
Noong 2005 hanggang 2009, kinuwestyon din ng COA ang Administrative expenses ng Philhealth na umaabot sa 80 hanggang 200 million pesos kung kailan si Duque rin ang Chairperson ng Philhealth at kalihim ng Department of Health.
Halos dalawang dekada na aniya na nakaupo sa puwesto si Duque kung kailan matindi rin ang mga nadidiskubreng anomalya sa ahensya.
Senador Hontiveros:
“Dapat nga isa sa mga una kundi unang-una magpaliwanag sa publiko at sa mga Philhealth members at unang unang pinanatag ang loob ng publiko tungkol sa kalinisan at katatagan at pag-aayos sa loob ng Philhealth lalo na nasa loob tayo ngayon ng pinakamatinding health crisis itong Covid Pandemic. Yes, I am with my colleagues will ask him all the questions at ine-expect ko na sasagot sila ng kumpleto at tapat”.
Samantala welcome development para kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang ginawang distribution ng IRM.
Magkakaroon na aniya ng pagkakataon ang Ombudsman at Commission on Audit na ma-account ang 14 billion funds na ipinamahagi sa mga pribado at pampublikong ospital at iba pang Healthcare institution.
Ulat ni Meanne Corvera