4 Marijuana plantations, sinalakay ng PDEA, PNP-CIDG, PROCOR
Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drugs Enforcement Agency ( PDEA ), Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ( PNP-CIDG ) Mt. Province at PROCOR ang malawak na marijuana plantations sa Sitio Litafang, Saclit, Sadanga, Mt. Province.
Sa pangunguna ni Mt. Province Provincial Director PCol. Homer Penecilla, isinagawa ang marijuana eradication sa apat na plantation sites sa naturang lalawigan.
Sa unang site, sinira ang nasa 6,250 seedlings sa 250 sq.m. na nagkakahalaga ng P250,000.
Sinunog naman ang 4,000 fully grown marijuana plants na nakatanim sa 400 sq.m. na may katumbas na halagang P800,000.
Nasa P500,000 na halaga ng marijuana naman ang sinira na nakatanim sa 500 sq.m. katumbas ng 4,000 fully grown marijuana plantation.
Habang sa huling site ay binunot, sinira at saka sinunog ang nasa 5,000 fully grown marijuana plants na may DDB value na P1-million.
Ayon pa sa mga opisyal, aabot sa halos P2.5 milyong halaga ng marijuana ang sinira ng mga operatiba pero minalas daw ang mga ito na makahuli ng mga suspek o grupo na responsable rito dahil mabilis na nakatakas umano ang mga ito bago makarating ang PDEA at PNP eradication team.
Dagdag pa ng mga opisyal, malaking tulong din ang mga natatanggap nilang mga impormasyon mula sa concerned citizens at intelligence report ng aworidad para matukoy ang mga tagong taniman ng marijuana sa kabundukan ng Sadanga Mt. Province. ( Freddie Rulloda )