Meeting ni Pangulong Duterte sa IATF, idadaan sa online dahil naka-quarantine ang ilang Cabinet officials

Virtual meeting ang pakikipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF.

Ito ay matapos magpositibong muli sa Covid 19 si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.

Naka-self quarantine na ang mga miyembro ng Gabinete na nakasalamuha ni Secretary Año na kinabibilangan nina Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, Health Secretary Francisco Duque III, Trade Secretary Ramon Lopez, Labor Secretary Silvestre Bello III at Testing Czar Secretary Vince Dizon.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kailangan na pangalagaan ang kalusugan ni Pangulong Duterte kaya mananatili itong naka-isolate sa mga government officials na na-exposed sa Coronavirus.

Sinabi ni Roque na nakagawian na ng Pangulo na bago humarap sa taumbayan ay magkakaroon muna ng  pagpupulong sa mga miyembro ng IATF.

Matapos ang meeting ni Pangulong Duterte sa IATF ay ihahayag ng Chief Executive ang magiging bagong quarantine classification ng Metro Manila, lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal na isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ.

Umuwi ng Davao City si Pangulong Duterte noong August 3 bago ang implementasyon ng MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.

 

Ulat ni Vic Somintac

Please follow and like us: