Korte Suprema, nagtalaga ng mga Special court na didinig sa mga expropriation cases na may kaugnayan sa mga Infrastructure projects ng gobyerno
Labing-isang regional trial courts ang itinalaga ng Korte Suprema bilang Special Expropriation Courts for Public Roads.
Ang mga nasabing hukuman ang didinig, lilitis at magpapasya sa mga expropriation cases na may kaugnayan sa mga infrastructure projects ng National government na nasa kanilang Territorial jurisdiction.
Ang mga ito ay ang:
a) Branch 20, RTC Imus City;
b) Branch 22, RTC Imus City;
c) Branch 23, RTC Trece Martires City ;
d) Branch 131, RTC Trece Martires City;
e) Branch 90, RTC Dasmariñas City ;
f) Branch 133, RTC Tagaytay City;
g) Branch 134, RTC Tagaytay City;
h) Branch 232, RTC Caloocan City;
i) Branch 22, RTC Manila;
j) Branch 18, RTC Manila ; at,
k) Branch 49, RTC Manila
Sa ilalim ng memorandum circular ng Supreme Court, sinabi na hiniling ng DPWH at ng ibat-ibang Regional Development Councils mula sa Cordillera Administrative Region, Central Visayas, at SOCCSKSARGEN Region sa Korte Suprema ang pagtatalaga ng mga special courts sa mga expropriation cases.
Ipinabatid din ng DPWH sa SC na umaabot sa 308 expropriation cases ang nakabinbin sa ibat-ibang RTCs sa mga lungsod ng Imus, Trece Martires, Dasmariñas, Tagaytay, Caloocan, at Maynila para lang sa dalawang on-going projects nito na CALAX Project at NLEX SLEX Connector Road Project.
Binanggit din ng kagawaran na nakatakda itong maghain ng tinatayang 902 expropriation cases kaugnay sa mga nasabing proyekto sa mga hukuman sa mga susunod na buwan.
Ayon sa Korte Suprema, itinalaga ang mga special courts para matugunan ang dami o volume ng mga expropriation cases na isasampa ng DPWH.
Sinabi ng SC na maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga special courts alinsunod sa rekomendasyon ng DPWH ng mga lungsod kung saan mayroon itong priority infrastructure projects.
Ulat ni Moira Encina