DPWH: 24 milyong piso, inisyal na halaga ng pinsala sa mga imprastraktura dahil sa lindol sa Masbate
Umaabot sa halos 24 milyong piso ang inisyal na halaga ng pinsala sa mga imprastraktura bunsod ng malakas na lindol sa Masbate noong Martes.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kabuuang 23.96 million pesos ang partial damage cost sa mga national roads, tulay, at iba pang imprastraktura sa Bicol Region.
Nasa 5.64 million pesos ang pinsala sa mga tulay, 8.96 million pesos sa national roads at 9.35 million pesos sa Public buildings.
Batay sa monitoring report ng DPWH Bureau of Maintenance, bagamat passable ang lahat ng national roads at tulay sa Masbate Island ay may ilang bahagi ng mga lansangan ang napinsala.
Partikular na rito ang ilang road sections sa Masbate-Cataingan-Placer Road.
May tinamo ring pinsala ang bahagi ng Cataingan-Poblacion Road sa Barangay Poblacion, Cataingan, Masbate.
Nagtamo rin ng minor damage ang bank protection ng Panganiban Bridge sa Camarines Sur.
Naglagay na ang DPWH ng road warning signs at safety devices sa kahabaan ng mga apektadong section para sa mga motorista.
Samantala, hindi rin nakaligtas sa pinsala ang DPWH Masbate 3rd District Engineering Office Building sa Balocawe, Dimasalang kung saan nasira ang pader, partitions, tiles at glass door sa gusali.
Napinsala rin ang Palanas Police Station Building sa Poblacion, Palanas; Inocencio Central School Building sa Villa-Inonencio, Placer; Cataingan Public Market at Cataingan Port sa Poblacion, Cataingan; at Dimasalang Port sa Poblacion, Dimasalang.
Ulat ni Moira Encina