Maria Ressa, walang karapatang lumabas ng bansa matapos mahatulang guilty sa kasong kriminal – CA
Pinal nang ibinasura ng Court of Appeals ang hirit ni Rappler CEO Maria Ressa na makabiyahe ito sa US.
Sa resolusyon ng CA Special 14th Division, pinagtibay nito ang naunang desisyon na huwag payagan si Ressa na makaalis sa bansa.
Muling ipinunto ng CA na bagamat mayroong constitutional right to travel si Ressa ay nahatulan na ito sa kasong kriminal.
Paliwanag ng korte, nakasalalay lang ang kalayaan ni Ressa sa kanyang bail or piyansa na valid restriction o naglilimita sa kanyang karapatan na bumiyahe.
Ayon pa sa appellate court, nabigo pa rin si Ressa na mapatunayan na ang biyahe nito sa Estados Unidos ay kinakailangan at urgent.
Iginiit muli ng CA na maaari namang daluhan ni Ressa ang mga speaking engagements nito sa US sa pamamagitan ng videoconferencing nang hindi kailangang umalis ng Pilipinas
Dahil dito, ibinasura ng CA ang Very Urgent Motion for Reconsideration na inihain ni Ressa.
Ipinangako ni Ressa sa kanyang mosyon na magbibiyahe siya pabalik ng Pilipinas sa September 18 mula sa Washington DC at dadating sa bansa sa September 19.
Si Ressa ay una nang sinentensyahan ng Manila Regional Trial Court ng parusang pagkakakulong na anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon matapos mapatunayang guilty sa kasong cyberlibel.
Pinagbabayad din si Ressa ng 400 thousand pesos na danyos.
Pansamantalang nakalaya si Ressa matapos maglagak ng piyansa.
Ulat ni Moira Encina