Bureau of Immigration nagpaalala sa mahigpit na implementasyon ng No Visa, No Entry policy sa mga dayuhang nakapangasawa ng Pinoy

Bagamat nasa General Community Quarantine (GCQ) na ang umiiral sa National Capital Region (NCR) at iba mga karatig lugar, mahigpit pa rin ang paalala ng Bureau of Immigration hinggil sa kung sino ang pwede at hindi pwedeng pumasok sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) na kahit na ang mga dayuhan na nakapangasawa ng mga Filipino ay hindi pa rin papayagang makapasok sa bansa kung walang visa.

Ang paalala ay ginawa ng BID matapos madiskubreng may ilang dayuhan ang nagtatangkang pumasok sa bansa ngayon at ginagamit na dahilan na may asawang Pilipino umano.

Sa report ng Port Operations Division ng Immigration, sinabi ni Commisisoner Jaime Morente na mayroon ilang dayuhan na nakapangasawa ng Filipino ang hinarang sa NAIA dahil sa kawalan ng kaukulang visa kaya agad din pinabalik sa pinanggalingan nilang bansa.

Ayon kay BI POD Acting Chief Grifton Medina, simula noong August 19 2020, hindi bababa sa 15 banyaga na nagpakilalang asawa ng mga Pinoy ang pinigil pagdating sa NAIA dahil sa kabiguang makapagpakita ng visa.

Kabilang sa mga hinarang ay ilang Americans, Europeans, South Koreans, at Africans na nagpakita lamang ng kanilang marriage certificates subalit wala namang naiprisintang visas.

Payo ng BI sa mga dayuhan na kumuha muna ng entry visa mula sa konsulado ng Pilipinas sa bansang kinaroroonan para makapasok sa bansa at makasama ang kanilang pamilya.

Ulat ni Moira Encina



Please follow and like us: