Antigen Saliva test para sa Covid-19, susubukan na rin sa Pilipinas
Plano ng Pilipinas na subukan sa pamamagitan ng Project Ark ang Antigen Saliva Test.
Ito’y para malaman kung positibo o negatibo sa Covid-19 ang isang indibidwal.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Dra. Minguita Padilla ng Project Ark na target nilang makakuha ng suplay para sa Antigen Saliva Testing at umaasang maipapasok ito sa bansa sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para maaprubahan ng Food and Drug Administration o FDA sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Dra. Padilla, maituturing na game changer ang Antigen Saliva Test dahil mas madali itong gawin at mas mabilis makita ang resulta kumpara sa PCR swab test.
Inihayag ni Dra. Padilla na hindi titigil ang Project Ark sa paghahanap ng iba pang mga paraan ng pagtesting upang mas marami pang mga Filipino ang maisailalim sa test sa pinakamabilis na paraan para matukoy kung sino-sino ang positibo sa Covid-19.
Magugunitang ang mass testing ang isa sa paraan na isinusulong ng Gobyerno sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force (IATF) para tuluyang makontrol ang Covid-19 sa bansa.
-Vic Somintac