DOH, iginiit na walang natatanggap na kundisyon mula sa US manufacturers ng Covid-19 vaccine
Nilinaw ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na wala silang natatanggap na kondisyon mula sa mga US Manufacturer na gumagawa ng Covid-19 vaccine.
Ginawa ni Vergeire ang paglilinaw kasunod ng pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque na sa kanyang palagay kaya nabigyan ng pardon ni Pangulong Duterte si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ay upang masiguro na magkakaroon ng access ang bansa sa Covid-19 vaccine mula sa US.
Ayon kay Vergeire, sa ngayon ay patuloy ang kanilang pakikipag- negosasyon sa mga manufacturer sa US.
Sa kanilang pakikipag-usap sa mga ito ay wala naman aniyang ibinibigay na kondisyon sa kanila.
Kasabay nito, tiniyak ni Vergeire na lahat ng bakuna ay dadaan sa regulatory process upang masiguro mas ligtas ito at epektibo.
Dagdag pa ng opisyal, maraming manufacturing company ang kanilang kinakausap patungkol sa bakuna pero lahat ay under negotiation pa.
Madz Moratillo