Solicitor General Jose Calida pinabulaanan ang ulat ukol sa sinasabing undocumented travels ng mga opisyal ng OSG
Tinawag na fake news ni Solicitor General Jose Calida ang artikulong inilathala ng Rappler ukol sa sinasabing undocumented travels ng mga opisyal ng Office of the Solicitor General (OSG).
Sa isang statement, sinabi ni Calida na walang anumang undocumented na byahe sa abroad at maging sa Pilipinas ang OSG.
Ayon sa SolGen, ang lahat ng mga biyahe ay official business ng mga administrative staff at abogado ng OSG, at hindi junkets gaya ng ipinapalabas ng Rappler.
Binanggit sa ulat ng Rappler noong August 30 ang Audit Observation Memorandum o AOM ng COA na may petsang February 5, 2020.
Pero bigo anya ang Rappler na ilahad sa artikulo nito na nakatugon ang OSG sa AOM at na-liquidate na ang cash advances noon pang Marso.
Nilinaw pa ni Calida na ang 1.16 million pesos na inisyu ay para sa travel expenses ng iba-ibang OSG lawyers at administrative personnel na dumalo sa mga professional training programs at sa pagsasagawa ng recruitment activities sa mga probinsya para sa Legal Internship Program para sa mga law students.
Kaugnay nito, nagbabala si Calida na sasampahan nila ng kasong cyberlibel ang Rappler, ang mga editors at writers nito kung hindi itatama ang libelous article.
Anya gaya ng maraming beses sa nakaraan, binabaluktot ng Rappler ang katotohanan at bigong makatugon sa mataas na pamantayan na inaasahan sa mga nasa journalism profession.
Moira Encina