Resulta ng imbestigasyon ng Task Force PhilHealth kaugnay sa sinasabing katiwalian sa ahensya, isusumite ngayong araw kay Pangulong Duterte
Tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maisusumite ngayong araw ng Task Force PhilHealth kay Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng imbestigasyon nito sa sinasabing kurapsyon sa ahensya.
Ngayong araw magtatapos ang 30 araw na palugit na ibinigay ng Pangulo para matapos ang imbestigasyon.
Ayon kay Guevarra, kuntento o satisfied sila sa report na kanilang ibibigay sa Malacañang.
Tatangkain anya ng kanilang report na maiprisinta ang general environment o sitwasyon sa PhilHealth na nagkukunsinti sa kurapsyon at anomalya.
Tutukuyin din anya sa report ang mga partikular na katiwalian sa ahensya bunsod ng sistema sa PhilHealth.
Ang DOJ ang lead agency sa binuong inter-agency task force na nagimbestiga sa mga alegasyon ng katiwalian sa PhilHealth.
Miyembro ng Task Force ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission at Office of the President.
Nakatuwang din sa imbestigasyon ANG NBI, Anti Money Laundering Council, AT PACC.
Moira Encina