Malakanyang, tikom ang bibig sa panawagang bigyan na rin ng Presidential pardon si Retired Major Gen. Jovito Palparan
No comment ang Malakanyang sa panawagang bigyan na rin ng Presidential pardon si Retired Major General Jovito Palparan na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang paggagawad ng pardon ay eksklusibong karapatan ng Pangulo na ginagarantiyahan ng Saligang Batas at hindi puwedeng kuwestiyunin ng kahit na sino.
Ayon kay Roque kasalukuyang binubuno ni Palparan ang hatol ng hukuman dahil sa kasong kidnapping at pagpatay sa dalawang aktibistang estudyante ng University of the Philippines.
Isinusulong ni dating DILG Secretary Rafael Alunan ang pagpapalaya kay Palparan sa pamamagitan ng Presidential pardon.
Iginigiit ni Alunan kung nabigyan ng absolute pardon si US Marine Lance Corporal Joseph Pemberton na pumatay sa Pinoy transgender na si Jennifer Laude dapat ding mabigyan ng pardon si Palparan na sa buong panahon ng kanyang panunungkulan ay ginampanan ang kanyang tungkulin bilang sundalo na labanan ang mga kalaban ng estado lalo na ang mga rebeldeng komunista.
Vic Somintac