Hukom mula sa Ilocos Sur pinatawan ng dismissal ng Korte Suprema dahil sa kwestyonableng desisyon sa mga annulment cases
Sinibak sa serbisyo ng Korte Suprema ang isang hukom mula sa Ilocos Region dahil sa kwestyonableng desisyon sa mga annulment cases.
Sa per curiam decision ng Korte Suprema, hinatulan nitong guilty ng Gross Ignorance of the Law at Gross Misconduct si Judge Raphiel F. Alzate na Acting Presiding Judge ng parehong Cabugao, Ilocos Sur Regional Trial Court Branch 24, at Bucay, Abra RTC, Branch 58.
Ipinagutos din ng Supreme Court ang pagbawi sa lahat ng benepisyo ni Alzate maliban sa kanyang accrued leave credits.
Pinatawan din perpetual disqualification sa alinmang pwesto sa gobyerno ang hukom.
Inatasan din ng Korte Suprema ang Office of the Bar Confidant na imbestigahan ang asawa ng judge na si Atty. Ma. Saniata Liwliwa G. Alzate dahil sa sinasabing partisipasyon nito sa mga kinukwestyong desisyon ng hukom sa annulment ng mga kasal.
Ang kaso ay nag-ugat mula sa mga report na nakarating sa Office of the Court Administrator na nagsagawa ng judicial audit sa Cabugao, Ilocos Sur RTC
Nakumpirma ng OCA audit team ang mga ulat na nagiisyu si Alzate ng desisyon para ipawalang -bisa ang mga kasal kapalit ng salapi.
Nabatid din ng OCA na tumaas ang bilang ng mga annulment cases na inihain at dinesisyunan nang si Alzate ang Acting Presiding Judge ng Cabugao RTC noong 2016 kumpara sa mga nakaraang taon.
Natukoy din na hindi residente ng mga munisipalidad sa hurisdiksyon ng hukom ang mga partido sa mga annulment cases.
Napagalaman din sa imbestigasyon na ganito rin ang ginawa ni Alzate sa mga annulment cases sa Bucay, Abra RTC.
Moira Encina