Mga opisyal ng Philhealth nagpabaya at itinago ang ilang impormasyon at dokumento kaugnay sa interim reimbursement program at mga procurements, – Task Force PhilHealth report
Inilabas ng Task Force PhilHealth ang mga pangunahing findings nito sa isinagawang imbestigasyon sa mga kurapsyon at anomalya sa PhilHealth.
Ayon kay Justice Undersecretary at Spokesperson Markk Perete, sinabi sa report ng Task Force na nagpabaya ang Board of Directors at ang Executive Committee na dapat sanang nagtatakda ng mga polisiya at panuntunan para sa pangangasiwa sa PhilHealth.
Itinuon ng Task Force ang imbestigasyon sa: approval at implementasyon ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM; approval ng pondo para sa pagbili ng mga information and communications technology o ICT equipment; at mga polisiya at practices na bigong imbestigahan at parusahan ang mga maling gawa ng mga PhilHealth personnel at health care institutions.
Isa sa negligence sa parte ng mga opisyal ng PhilHealth ay ang kaugnay sa implementasyon ng IRM.
Nabatid na minadali ang pagrelease sa IRM fund kahit hindi pa epektibo ang sirkular na nagpapatupad dito.
Wala ring sapat na pamantayan at panuntunan ang IRM bago ito ipatupad kaya prone ito sa mga pag-abuso.
Inilabas din ang pondo ng IRM kahit walang mekanismo para ito mamonitor at maliquidate.
Bukod dito, napagalaman din ng Task Force PhilHealth na sinadya ng mga opisyal na itago ang mahahalagang impormasyon o audit documents para maaprubahan ng board ang budget request sa pagbili ng ICT equipment.
Isa na rito ang 730 million pesos na budget request na wala sa Information Strategic Plan ng PhilHealth na inoobliga ng batas.
Hindi rin iprinisinta sa board ang internal audit report na nagdidetalye sa mga discrepancies at inconsistencies sa imbentaryo ng hardware at software ng korporasyon.
Inaprubahan din board ang panukala na bumili ng network switches para sa PhilHealth NCR office kahit may COA finding na mayroon pang parehong switches na di pa nagagamit.
Pinuna rin ng task force ang polisiya ng PhilHealth sa settlement ng claims na walang accountability.
Moira Encina