Recruitment ng mga Domestic Worker sa Bahrain tuloy na ulit
Tuloy na ulit ang recruitment ng mga domestic worker sa Kingdom of Bahrain.
Ito ang inanunsyo ng Department of Labor and Employment kasunod ng pagbawi ng Labor Market Regulatory Authority sa ipinatupad nitong temporary suspension noong Marso dahil sa banta ng covid 19 pandemic.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, batay na rin sa ulat sa kanya ng Philippine Overseas Labor Office sa Bahrain ay prayoridad ng mga employer ang mga manggagawang pinoy.
Mahigpit naman ang paalala ng LRMA sa mga employers na iwasan ang pagkuha ng serbisyo ng mga hindi lisensyadong expatriate employees employment offices sa paghire ng domestic workers.
Ito ay upang matiyak na masusunod ang mga pinaiiral na patakaran sa pag-iingat sa COVID-19 sa paghire ng mga manggagawa at masigurong protektado ang karapatan ng mga manggagawa.
Una rito, nagsagawa ng raid ang LRMA sa Bahrain katuwang ang Interior Ministry kung saan ilang manpower agency ang nadiskubreng nag o operate ng walang lisensya at nagha hire ng run-away domestic workers.
Ayon sa LRMA ang mga domestic worker na ito ay inililipat ng agency sa ibat ibang bahay ng employer para pagtrabahuhin na lubhang mapanganib lalo na ngayong patuloy pa ang banya ng covid 19.
Sa datos ng POLO sa Bahrain, mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito, bumaba sa 9% ang bilang ng pinoy domestic workers roon.
Nabatid na mula sa 18,663 domestic workers noong 2019 ay nasa 16,576 na lamang ito hanggang noong Hunyo.
Madz Moratillo