Pagbubukas ng Disneyland at California theme parks, isinusulong
Nanawagan ang Disneyland, Universal Studios at iba pang theme parks sa mga opisyal sa California, para ilatag na ang mga kinakailangang health criteria upang muli na silang makapagbukas, dahil nakasalalay dito ang libo-libong mga trabaho.
Anim na buwan matapos boluntaryong magsara ang ilan sa 30 amusement parks bilang tugon sa coronavirus, sinabi ng California Parks and Attractions Association, na bumuo sila ng mahigpit na mga hakbang para protektahan ang mga bisita at staff, subalit wala pang ipinalalabas na panuntunan ang estado.
Sinabi ni executive director Erin Guererro, na hinimok ng mga amusement parks sa California ang gobernador na magpalabas ng amusement park guidelines, para muli nang makapagbukas ang mga nabanggit na community attractions.
Nagbabala si Guerrero, na daan daang milyong tax revenue na ang nawala at maraming kalapit na lokal na negosyo ang permanente nang nagsara.
Una nang plinano ng Disneyland sa Anaheim, na nasa timog ng Los Angeles na muling magbukas noong Hulyo 17, ngunit hindi ito itinuloy dahil hindi nabigyan ng go signal ng mga lokal na opisyal.
Dahil sa milyun milyong turista na nagtutungo rito, ang Disneyland ang ikalawang pinaka pinupuntahang theme park sa buong mundo, sunod sa Disney World sa Florida, na muli nang nakapagbukas.
Agence France-Presse