Mahigit 1 milyong halaga ng Kush Marijuana, nasabat sa Clark, Pampanga
Mahigit isang milyong pisong halaga ng kush marijuana ang nasabat ng Bureau of Customs sa Clark, Pampanga.
Ayon sa BOC, idineklara ito bilang Coffee T-shirt bookbag.
Pero matapos ang ginawang Physical examination nadiskubre ang 3 plastic pack ng tuyong dahon ng kush marijuana na nakatago sa loob ng pakete ng kape.
Ang shipment ay mula sa California, USA at tumitimbang ito ng 980 gramo na nagkakahalaga ng 1.1 million pesos.
Ayon sa BOC, napansin ng examiner ang matamis na aroma ng coffee beans mula sa pakete.
Nagtaka umano ang Customs examiner dahil hindi naman dapat lalabas ang amoy ng coffee beans kung ito ay selyado at naka-pack.
Agad namang naglabas ng warrant of Seizure and Detention laban sa shipment at itinurn over na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon sa BOC, ito na ang ika-19 na shipment ng iligal na droga ang kanilang nakumpiska sa Port of Clark.
Tiniyak naman ng BOC ang mahigpit na pagbabantay sa lahat ng ports sa bansa upang matiyak na walang makakalusot na iligal na droga at mga smuggled na produkto.
Madz Moratillo