Kabuhayan, mga negosyo sa Maynila, protektado sa gitna ng COVID-19 pandemic – Mayor Isko
Protektado ng Manila City government ang takbo ng ekonomiya sa Maynila bilang kabisera ng bansa.
Ito ang tiniyak ni Mayor Francisco “ Isko “ Moreno Domagoso sa harap ng mga opisyal ng 170 chapters ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry (FFCCCII) na sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic ay patuloy namang nakaka-survive ang mga negosyo sa lungsod mula sa malubhang epekto ng pandemya.
Binigyang-diin ni Mayor Isko sa pamamagitan ng virtual meeting sa FFCCII officials na mahalagang maka-adapt sa tinatawag na “ new normal “ kung saan mandato nito ang istriktong pagsunod sa public health protocols laban sa coronavirus para na rin maging ligtas sa sakit ang mga manggagawa sa kanilang pagbabalik-trabaho.
Sinabi ng alkalde na sinisiguro niya sa kanyang constituents na hindi nito ititigil ang high-impact projects ng Manila City government sa harap ng pandemya . “ Tuloy ang Gobyerno … I want to reach as many as possible, to help them survive this pandemic. Pinagtutuunan natin ng pansin (na dapat) may negosyo, may trabaho, may kapanatagan. Kapag maganda ang negosyo, may buwis, at kapag may buwis, we can redirect it to our programs,” ani Domagoso.
“ Your city government will not sleep. Hindi kami tutulog-tulog, hindi kami titigil. We must learn to live with COVID-19. Families, livelihoods, jobs and businesses will go down to the drain if we are not going to adapt ” dagdag pa ni Mayor Isko.
Kaugnay naman ng patuloy na COVID-19 response efforts, sinabi ng alkalde na ginawaran ng Department of Finance ang Manila City government ng P30 billion net borrowing capacity para sa kailang high-impact projects.
Tinukoy ni Domagoso na ang Manila City government ay nakapag- break ground na para sa konstruksyon ng public housing projects tulad ng Tondominium at Binondominium maging ang paglulunsad sa pagtatayo ng Bagong Ospital ng Maynila pati na ang Manila Zoo.
“Despite the adversity of the city before I assumed office, I am grateful to the DOF for granting us P30 billion net borrowing capacity. We will continue to spend by building long-term programs that addresses problems and generates income,” ayon kay Domagoso.
Samantala pinasalamatan ng alkalde si FFCCCII President Dr. Henry Lim Bon Liong, ang mga opisyal at miyembro ng FFCCCII maging ang iba pang government agencies at mga grupo ng pribadong sektor na tumutulong sa Manila City government sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Pinasalamatan din nito si Mr. Wilson Lee Flores, FFCCCII Public Information & Media Committee Chairman sa pag-host ng sa nasabing virtual meeting na nilahukan ng FFCCCII’s 170 chapters mula Luzon, Visayas at Mindanao.
Ronald Nery