Remote o out of court appearance ng mga partido sa kaso pwede nang payagan ng hukom kahit walang permiso mula sa Office of the Court Administrator
Maaari nang pahintulutan ng mga hukom sa first at second level courts ang remote o out of court appearances ng mga partido sa kaso.
Sa OCA Circular na pirmado ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na ito ay kahit walang prior permission mula sa Office of the Court Administrator basta ang hukom ay papangasiwaan ang pagdinig sa loob ng korte.
Kailangan lang na hilingin ito ng partido sa hukuman sa pamamagitan ng kaukulang mosyon.
Nakasaad sa sirkular na kakailanganin lamang ng judge ang permiso mula sa OCA kung out of court o hindi mapapangasiwaan ng hukom ang hearing sa loob ng hukuman.
Ayon sa OCA, batid nito na patuloy na kailangan na i-minimize ang bilang ng mga indibidwal na humaharap sa mga in-court hearings para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 at bunsod ng patuloy na pag-iral ng community quarantine sa bansa.
Pinayuhan din ng OCA ang mga hukom na maging maingat sa pagresolba sa mosyon para sa remote appearance ng mga testigo dahil kailangan nilang maobserbahan ang demeanor, behavior, at manner ng mga witness na magbibigay ng testimonya na mahirap gawin sa isang video conferencing hearing.
Una nang sumulat ang Office of the Solicitor General sa OCA na humihiling na huwag nang obligahin ang kanilang mga abogado na dumalo sa in-court hearings hanggang sa bumuti ang health situation sa bansa.
Ipinaabot din ng ilang piskal at law practitioners ang kaparehong kahilingan.
Moira Encina