Korte Suprema pinag-aaralan ang posibilidad na isagawa ang magkasamang online at written exam ang susunod na Bar exams
Maaaring isagawa online pero proctored ang bar examinations sa susunod na taon.
Kinumpirma ni Associate Justice at 2020/ 2021 Bar exams Chairperson Marvic Leonen ang pahayag ni Chief Justice Diosdado Peralta sa budget hearing sa Kamara na pinag-aaralan ng Korte Suprema na gawing halong online at written exam ang bar exams sa mahigit dalawang lugar bilang bahagi ng reporma.
Sinabi ni Leonen na nais nilang maging accessible at magkaroon ng geographic equity ang pagsusulit sa mga bar applicants.
Ayon pa sa mahistrado, tiyak na hindi isasagawa ang susunod na Bar exams tulad ng dati.
Wala pa aniya siyang ginagawang firm proposal sa paraan ng pagdaraos ng Bar exams hanggang hindi pa naisasaayos ang logistical at security issues.
Sa mga susunod na buwan anya ay magsasagawa ng mga pilot test para makita ang viability ng ibat-ibang panukala sa pagdaraos ng bar exams.
Una nang inihayag ng Supreme Court na isasagawa ang pagsusulit sa Nobyembre ng susunod na taon sa Maynila at Cebu City matapos ipagpaliban ngayong 2020 dahil sa pandemya.
Moira Encina