Opisyal ng NBI at kapatid nito na Immigration officer, sinampahan na ng DOJ ng kasong kriminal sa korte dahil sa pangingikil sa mga tauhan ng Bureau of Immigration na dawit sa Pastillas scheme
Kinasuhan na ng DOJ sa hukuman ang hepe ng NBI Legal Assistance Section at kapatid nitong Immigration officer dahil sa sinasabing pangingikil sa mga tauhan ng Bureau of Immigration na sangkot sa Pastillas scheme kapalit ng pag-abswelto sa kanila sa kontrobersya.
Kasong extortion sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code ang isinampa ng DOJ sa Manila Regional Trial Court laban sa magkapatid na sina NBI offical Joshua Paul Capiral at Christopher John Capiral.
Ipinagharap din ng hiwalay na kasong paglabag sa ethics for public offficial o RA 6713 ang NBI executive.
Batay pa sa resolusyon ng DOJ, inirekomendang isailalim sa preliminary investigation ang reklamong paglabag sa Anti- Graft law na inihain ng NBI laban sa Capiral brothers.
Ibinasura naman ng inquest prosecutor ang reklamong paglabag sa Section 6 ng EO 608 o Establishing a National Security Clearance System for Government Personnel with Access to Classified Matters.
Una nang isinailalim sa inquest proceedings ang dalawa sa DOJ matapos maaresto sa entrapment operation.
Nahuli sa akto ng NBI ang magkapatid na tumanggap ng PHP 200,000 mula sa complainant na isa sa mga BI officers na sinampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa NBI, hiningan din ng mga Capiral ang iba pang mga tauhan ng BI na dawit sa Pastillas modus ng tig- PHP 100,000 kapalit nang hindi pagsampa ng kaso sa mga ito.
Moira Encina